Sa kabila ng kaliwat kanang batikos, naniniwala ang pamahalaan na nagkakaroon na ng epekto ang kampanya nito kontra droga.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa Get It Straight with Daniel Razon, patunay nito ang pagtaas ng bilang ng mga sumusukong drug suspect.
Umaabot na aniya sa 40 to 50 thousand ang mga drug suspect na sumusuko dahil sa hakbang ng pamahalaan.
Paliwanag din ni Abella, may mga rehabilitation centers nang inihahanda at balak pang itayo ang pamahalaan para sa mga drug user na mahuhuli at susuko.
Ayon kay Abella, sa mga nahuling drug users nasa 10 percent lamang ang mga heavy users na kinakailangan maidala sa rehab, kaya’t plano ng DOH na lagyan ang bawat komunidad sa bansa ng drug rehabilitation services, alinsundo sa umiiral na treatment at rehabilitation center sa Davao City.
Sakaling maaprubahan ang implementasyon nito, ayon sa DOH, kinakailangan sumailalim sa training ang ilang LGU at barangay official na syang mangangasiwa sa bubuuin na community-based treatment center.
Sa kabila ng mas pinaigting na hakbang kontra droga, marami parin ang tutol dito.
Ayon naman kay Sec. Abella, dapat idaan sa due process ang mga reklamong nais ihain laban sa mga enforcer na nagpapatupad ng kampanya kontra droga.
(Darlene Basingan / UNTV Correspondent)
Tags: Abella, Kampanya kontra droga