Kampanya kontra Dengue sa Antique, pinapaigting ng DILG

by Radyo La Verdad | June 20, 2022 (Monday) | 12676

Naglabas ng Memorandum Order ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na humihikayat sa mga barangay official ng Antique na paigtingin ang pagpapatupad ng Aksyon Barangay Kontra Dengue sa lugar tuwing alas-4 ng hapon kaalinsabay sa pagdiriwang ng Dengue Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo.

Nanawagan si Pamela Socorro Azucena, Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa probinsya ng Antique, na gawing habit ang paglilinis ng paligid kasama na ang mga bakuran upang hindi dumami ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.

Bukod dito, nangangailangan din na magsagawa ang mga barangay captain ng house-to-house at mobile information drives sa kani-kanilang mga barangay upang maisulong ang prevention awareness sa lalawigan.

Samantala, may naiulat na 7 kaso ng dengue sa Brgy. Idio, Sebaste sa kabila ng paglilinis sa paligid ayon sa nagsisilbing kapitana na si Azucena.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan si Azucena sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang suriin ang status ng kanilang box culvert, kung saan pinaniniwalaang may mga stagnant water na nagsisilbing breeding ground ng mga lamok na may dalang dengue.

Ani naman ni DILG Antique provincial direct Cherryl Tacda na ang cleanliness drive ay hindi lamang responsibilidad ng mga kawani ng barangay, kundi lahat ng tao sa komunidad ay dapat makibahagi rito gayong maaaring magkaroon ng dengue ang sinoman.

Sa kabuuan, mayroong 777 kaso ng dengue at 4 ang nasawi mula Enero 1 hanggang Hunyo 11 ngayong taon sa lalawigan ng Antique ayon sa pinakahuling na ulat mula sa Integrated Provincial Health Office.

(Zy Cabiles | La Verdad Correspondent)

Tags: ,