Kaligtasan ng mga estudyante kontra dengue ngayong pasukan, isinulong kasunod ng pagtaas ng kaso sa Iloilo province

by Radyo La Verdad | May 26, 2016 (Thursday) | 8819

LALAINE_KONTRA-DENGUE
Ngayong Lunes na magsisimula ang nationwide brigada eskwela ng Department of Education bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na pasukan sa Hunyo.

Kailangang malinisan ang mga paaralan dalawang linggo bago ang opening ng mga klase dahil dalawang buwan rin itong hindi ginamit dahil sa bakasyon.

Dito sa Iloilo City, bukod sa pag-aayos sa mga silid-aralan ay isinusulong rin ang paglilinis sa paligid ng eskuwelahan upang masegurong ligtas ang mga estudyante mula sa mga sakit gaya ng dengue fever.

Ayon sa Iloilo Provincial Health Office, kailangang mapaigting ang anti-dengue drive sa mga paaralan dahil tumaas ang kaso nito sa probinsiya ngayong 2016.

Mula Janunary hanggang May-7 ay umabot sa 794 ang kaso ng dengue sa lalawigan at tatlong bata na may edad sampu pababa ang nasawi.

Mas mataas ito sa naitalang 279 cases at dalawang nasawi noong 2015.

Posibleng madagdagan pa ang mga kaso ngayong umiiral na ang panahon ng tag-ulan sa bansa.

Ayon sa health office, kailangang malinis ang mga pinamumugaran ng lamok gaya ng basurahan, gulong ng sasakyan, bubong at mga kanal.

Inirekomenda rin ng PHO na kung maaari ay mag-spray ng insecticide sa mga marurumi at madadamong lugar sa paaralan.

Paalala naman ng PHO sa mga magulang na huwag na papasukin ang mga batang may sintomas ng dengue o iba pang karamdaman upang huwag itong makahawa sa iba pang bata.

(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,