Kalidad ng serbisyo ng Grab sa Pilipinas, bumaba matapos ang merger sa kumpanyang Uber – PCC

by Radyo La Verdad | May 29, 2018 (Tuesday) | 6180

Pinagpapaliwanag ngayon ng Philippine Competition Commission (PCC) ang mga opisyal ng Grab at Uber, kaugnay ng nangyaring merging ng dalawang malaking ride-hailing company sa buong South East Asia.

Ito’y matapos mapatunayan ng PCC sa kanilang imbestigasyon na may ilang competition concern ang hindi nasunod ng Grab at Uber sa Pilipinas.

Batay sa inilabas na pahayag ng PCC kanina, bumaba ang kalidad ng serbisyo ng Grab at nawala ang kompetisyon sa hanay ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS), mula nang mabili nito ang operasyon ng Uber.

Kabilang sa mga competition concerns na nakita ng PCC ang mas mataas na singil sa pasahe, dumaraming kaso ng ride cancellations, pwersahang pagkansela ng ride bookings at mas matagal na waiting time ng mga pasahero.

Sampung araw na palugit ang ibinigay ng PCC sa Uber at Grab upang magpaliwanag at ibigay ang kanilang mga suhestyon upang maresolba ang mga isyu hinggil sa kompetisyon ng mga TNVS sa Philippine market.

Sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng reaksyon ang Grab ukol sa pahayag ng PCC. Target ng ahensya na maresolba ang isyu ng Grab-Uber deal sa mga susunod na buwan.

Ang PCC ang ahensya ng pamahalaan na may mandatong repasuhin ang lahat ng business transactions na nagkakahalaga ng 2 bilyong piso upang masiguro ang maayos na kompetisyon at maiwasan ang monopolyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,