Kalendaryo: Basura sa iba ngunit sa isang mag-aaral, ito ay mahalaga

by Erika Endraca | November 25, 2020 (Wednesday) | 2929

Hinangaan ng mga netizen ang kuwento ni Anna Baladsikan, mag-aaral ng Kapingkong National High School, Sultan Kudarat, matapos ibahagi ng kaniyang guro sa social media ang madiskarteng paggawa nito ng poster gamit ang lumang kalendaryo.

Sa isang Facebook post ni Ginoong Nestor Villanueva noong Lunes (Nobyembre 23), pinayuhan niya si Anna na gumamit ng anomang uri ng blangkong papel dahil wala itong bond paper.

Nagbigay-daan naman ito upang makatugon ang estudyante sa naturang gawain sa ilalim ng asignaturang Media and Information Literacy.

Sa isang panayam, nabanggit ng guro na hindi niya akalaing sa kabila ng pagiging tahimik ni Anna sa klase ay magpapamalas ito ng kamangha-manghang hakbang.

“Noong nakaraang taong panuruan, isa siya sa mga kabataang tahimik sa klase. Kung kaya’t nagulat ako at siya ay nakapag-isip ng paraan para gamitin ang isang bagay na basura sa iba pero sa kaniya, may halaga pala,” ani G. Villanueva.

Dagdag pa niya, “Totoo nga ang sabi nila na mahirap maging mahirap. Hindi ‘yun naging hadlang upang hindi niya gawin ang mga gawaing iniatas sa kaniya. Lubha akong natuwa at nakadama ng konting lungkot. Pero sa kabuuan, sobrang humahanga ako sa ipinakita nyang pagpupursigi.”

Ayon naman kay Anna, maraming paraan ang isang mag-aaral na gustong makamit ang mga pangarap tulad niyang sa kabila ng kakulangan sa kagamitan ay patuloy na nagsusumikap.

(Rhussel Egano | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,