Kalakaran ng mga iligal na Small Town Lottery at anomalya sa PCSO, inimbestigahan ng Senado

by Radyo La Verdad | January 25, 2018 (Thursday) | 5547

Nagkabanggaan ang ilang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa isinagawang imbestigasyon ng senado kahapon kaugnay sa umano’y mga anomalya sa ahensya.

Isa dito ang isyu ng tila pagpapabaya umano ng ahensya sa paglaganap ng iligal na Small Town Lottery o STL na ginagawang “front” sa operasyon ng jueteng.

Ayon kay Camarines Sur Representative Luis Reymund Villafuerte, mismong sa kaniyang lugar ay laganap ang illegal numbers game.

Tahasang inakusahan naman ni PCSO Board Member Sandra Cam sina dating PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz at General Manager Alexander Balutan na sangkot umano sa nangyayaring korapsyon sa ahensya kaya walang ginagawang aksyon upang masugpo ito.

Ngunit para kay GM Balutan, mahirap nang sugpuin ang jueteng dahil sa lawak na ng operasyon nito. Na-ungkat rin sa pagdinig ang magarbong party ng PCSO noong Disyembre na ginastusan ng mahigit 6 million pesos.

Ngunit depensa ni Balutan, 2.2 million pesos dito ay para sa pagkain at renta sa isang 5 star hotel, habang ang natitirang halaga ay ginastos para sa prizes sa raffle. Iginiit pa ni Balutan na aprubado umano ng Budget Department ang pondo para sa party.

Ngunit para kay Senate Committee on Games and Amusement Chairman Panfilo Lacson, may kailangang ipaliwanag dito ang PCSO.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,