Kakulangan sa supply ng kuryente, nakita na ng DOE noon pang Abril – Laban Konsyumer

by Erika Endraca | June 4, 2021 (Friday) | 13363

METRO MANILA – Naiwasan sana ang pagkakaroon ng rotational brownout kung gumawa lamang paraan ang Department Of Energy (DOE) noong pang Abril ayon kay Atty. Vic Dimagiba ng Laban Konsyumer.

Base aniya sa forecast ng Abril hanggang Hunyo, nakita na ang magiging kakulangan sa supply ng kuryente.

“Nakalagay doon eh between May 28 to June 10 ay mayroon na silang in-identify na red alert makikita yan doon sa graph grid operating maintenance program. In other words they would have taken preventive action to address the red alert” ani Laban Konsyumer Atty. Vic Dimagiba.

Naging mahigpit din dapat ang DOE para hindi magsagawa ng maintenance ang mga power generator mula Abril hanggang Hunyo.

“Sa guideline kasi ng DOE kailangan hindi ka mag maintain during that 3 months. Only force outages like acts of god. Iprove nila na lahat ay acts of God pero kung maintenance problema yun problema ng mga power plant yun” ani Laban Konsyumer Atty. Vic Dimagiba.

Samantala, sa gitna ng gusot sa Pdp-Laban, bumanat si Senator Manny Pacquiao laban kay Energy Secretary Alfonso Cusi dahil sa nangyayaring rotational blackouts sa ilang bahagi ng Luzon.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo kahapon, sinabi ng senador na inuuna umano ni Cusi ang pamumulitika kaysa ang pagtugon sa problema sa suplay ng kuryente.

Naging kontrobersyal ang 2 matapos magpatawag ng national council meeting si Cusi na siyang Vice Chairman ng PDP-Laban sa kabila ng pagtutol ni Pacquiao na siya namang national president ng partido.

Binalikan din ng mga senador ang naging pahayag ng kalihim sa pagdinig ng Senate Committee on Energy noong Abril kung saan siniguro nito na walang mangyayaring brownout ngayong tag-init.

Anila, mahirap magkaroon ng power supply interruption dahil sa vaccine roll-out at marami rin ang naka work from home at may online classes.

Giit ni Pacquiao, dapat managot si Cusi at dapat din aniyang aksyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging pagkukulang ng kalihim.

Magpapatawag muli ng pagdinig ng Senate Committee on Energy para pagpaliwanagin ang Department Of Energy at masolusyunan na ang isyu sa power supply ng bansa.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,