Kakulangan sa supply, dahilan ng pagtaas ng singil sa kuryente ngayong buwan – MERALCO

by Radyo La Verdad | July 5, 2016 (Tuesday) | 7647

MON_MERLACO
29 centavos per kilowatt hour ang itataas sa singil ng kuryente ngayong buwan ng Hulyo.

Kaya ang komokunsumo ng 200 kilowatt kada buwan ay may dagdag na P58 sa electric bill, ang 300 kilowatt ay may dagdag na P87, ang 400 kilowatt ay P116 at ang komokonsumo ng 500 kilowatt ay P145 pesos.

Ipinagpauna na ng MERALCO na magkakaroon ng pagtaas sa singil ngayong buwan dahil sa madalas na pagkakaroon ng kakulangan sa supply ng kuryente nitong nakalipas na buwan ng Hunyo.

Tumaas rin ang bentahan ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.

Mula sa dating P3.72 per kilowatt hour ay tumaas ito ng P0.34 per kilowatt hour.

Limang beses na nagkaroon ng yellow alert sa Luzon noong Hunyo dahil sa hindi inaasahang pagbagsak ng ilang planta, ibig sabihin nito ay umabot sa kritikal na level ang supply ng kuryente

Ilan naman sa mga plantang nagsagawa ng scheduled maintenance ay ang Pagbilao-2, San Lorenzo Mod 50 and 60, Sta.Rita Mod 40 at Ipower.

Kabilang naman sa mga bumagsak ay ang Sual-1, San Gabriel, Calaca1 and 2, GN Power 1 and 2, Limay A and B, Sta.Rita Mod 10 and 30, SLPGC 1, SLTEC 1 and 2, San Roque 2, Pagbilao 1 at Ambuklao 2.

Ayon sa MERALCO, katulad rin sa mga nakaraang sitwasyon kapag madalas ang pagnipis ng supply ng kuryente ay nagkakaroon ng pagtaas sa presyo ng kuryente sa merkado

Napilitan rin na patakbuhin ng National Grid Corporation o NGCP ang Malaya 2 power plant na gumagamit ng mas mahal na panggatong.

Inaasahan naman ng MERALCO na bababa na ang singil sa kuryente sa mga susunod na buwan dahil sa pagpasok ng tagulan dahil sa malamig na panahon.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,