Kakulangan sa mga silid-aralan, pasilidad at mga guro, problema pa rin sa paaralan sa mga lalawigan

by Radyo La Verdad | June 14, 2016 (Tuesday) | 42365

PROBLEMA-SCHOOL-OPENING
Kakulangan sa pasilidad, silid-aralan at mga silya ang sumalubong sa maraming estudyante na nagbalik-eskwela kahapon sa ilang lalawigan.

Sa Zamboanga City, walang nagamit na classroom ang ilang estudyante sa Santa Barbara Central School dahil hindi pa ito naayos matapos masira noong 2013 siege.

Hindi naman sila maaaring ilipat sa ibang paaralan dahil siksikan na rin ang mga estudyante.

Pati ang mga guro, wala ring magamit na faculty room dahil under renovation pa ito.

Ganito rin ang problemang nasalunga ng grade 7 students ng Iloilo City National High School.

Sa susunod na taon pa matatapos ang kanilang classroom kaya sa Central Elementary School muna sila magsasagawa ng klase.

Sa Angeles at San Fernando City naman sa Pampanga ay wala ring classroom ang daan-daang estudyante na tutuntong sa senior high school.

Wala ring la mesa at iba pang gamit ang faculty rooms at kulang sa armed chairs kaya sa mga monoblock muna uupo ang mga estudyante.

Sa Philippine Science of Technology High School naman sa Baguio City ay skeletal form pa lang ng building ang naitatayo kahit simula na ng pasukan.

Hindi rin aspaltado ang daan na dagdag pahirap sa mga estudyante ngayong tag-ulan.

Under construction rin ang building para sa senior high school students sa pinakamalaking pampublikong paaralan sa Baguio City.

Ayon sa DepEd, hindi natapos sa takdang deadline ang pagtatayo ng mga gusali dahil nagkaroon ng aberya sa panig ng builders.

Sa Bulacan naman ay problema rin ang kawalan ng classrooms at palikuran bukod pa sa mababang attendance ng senior high school students.

Anim na libong estudyante lamang ang dumagsa kahapon kumpara sa kabuuang 7,099 na nagpa-register.

Ayon sa DepEd, maaaring hindi pa pumasok ang ibang estudyante dahil hindi pa handa ang kanilang mga gamit o kaya ay umiwas muna sa magulong senaryo kapag first day of school.

(UNTV RADIO)

Tags: ,