Kakulangan sa budget, dahilan kung bakit hindi pa naaabot ang Rice Self-sufficiency – Sec. Piñol

by Radyo La Verdad | April 10, 2019 (Wednesday) | 2387

Manila, Philippines – Biniro ni Pangulong Rodrigo Duterte si Deparment of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol kaugnay sa target nito na maging rice self sufficient ang bansa.

Pero ayon kay Piñol kulang ang pondo ng ahensya kaya hindi nila naabot ang target subalit gumagawa umano sila ng paraan para kahit papaano ay umangat ang kasapatan sa bigas ng bansa.

“Tapos ito si Piñol bago pa kami. Alam mo kung nakilala ko ‘yan eh. Sabi niya, “Mr. President I guarantee” English spokening ‘yan eh “that maybe if we can start immediately, at the end of this year, I can predict that we will be even be a rice-exporting country. Sus tinginan lahat ng ano. Sila Bingbong oh. Tapos Sonny Dominguez. Naging Agriculture Secretary ‘yan ni Cory eh. Sabi niya, “Hangin ‘yan.” ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte..

Ayon sa opisyal, sa umpisa pa lamang ng termino ng administrasyon ay naniniwala siyang ma-aabot ng bansa ang kasapatan sa bigas basta mabuhusan lamang ng pondo ang mga pangunahing pangangailangan sa pagsasaka.

Subalit hindi aniya naibigay ang 50 Bilyon pesos na pondong hinihingi nila.

“We asked for a 50 billion (pesos) budget over the next 3 years para suportahan yung rice industry on the contrary ay nabawasan pa yung budget ng da. So yun talaga ang dahilan” ani Department of Agriculture Secretary Manny Piñol

Sa ngayon ay 93% na ang ating kakayanan, pero target ng kalihim na umabot sa 96% sa taong 2020 ang ating rice self sufficiency.

Ayon sa kalihim binabaan niya ang target dahil ina-asahan na luluwag ngayon ang importasyon ng bigas bunsod ng pagsasabatas ng rice tariffication law na una pa lamang ay kanya nang tinutulan

Kulang man sa budget gumagawa na lamang ng paraan ang kalihim sa pamamagitan ng ugnayan at tulong sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga loan at paggamit ng mga makabagong teknolohiya tulad ng solar irrigation system.

(Rey Pelayo | Untv News)

Tags: , ,