Kakulangan ng tech-vocational lab, dapat asikasuhin ng DepEd – Sen. Recto

by monaliza | March 30, 2015 (Monday) | 5102

K to12

Hinikayat ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang kakulangan ng technical-vocational laboratories na kapag hindi nasolusyunan ay makaaapekto sa layunin ng K to 12 program upang makapaglikha ng trabaho sa mga graduate.

Ayon kay Recto, ang kawalan ng technical-vocational laboratories sa 7,917 na public high schools sa bansa ay hindi makatutugon sa ipinangakong skills training sa ilalim ng K to 12 curriculum.

Paliwanag ng senador, ito ang isang kahinaan ng k to 12 na hindi nabibigyan ng atensyon. Hindi rin ito maaring ituring na maliit na bagay upang hindi pagtuunan ng pansin.

Sinabi ni recto na ang tech-voc labs ay dapat nakahanda na sa pagpasok ng unang batch ng grade 11 students sa school year 2016 – 2017.

Ngayong taon, aabot lang ng 455 na tech-voc labs na nagkakahalaga ng p2.5 million ang naipagawa ng department of education na malinaw na mag-iiwan ng malaking backlog.

Ang nasabing pasilidad ay kritikal dahil ayon sa K to 12 program, ang grade 11 at graduating grade 12 students ay may opsyon na mamili ng isang track na kanilang magiging specialty at isa rito ang technical-vocational-livelihood.

Ang K to 12 program ay ipinagmalaki ng pamahalaan sa publiko dahil sa pangako na ang mga high school student na naka enrolll sa technical – vocational track ay magkakaroon ng employable skill kapag nakapagtapos ng pag-aaral.(Bryan de Paz/UNTV Correspondent)

Tags: , , , , ,