Kahihinatnan ng ECQ sa NCR, ibabatay sa COVID-19, Health Care Data

by Erika Endraca | August 13, 2021 (Friday) | 5785

METRO MANILA – Higit 1 Linggo na lang ang nalalabi sa pag-iral ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).

Nais ni Trade Secretary Ramon Lopez na pagkatapos ng pinaka-istriktong community quarantine sa NCR, maipatupad ang Modified Enhanced Community Quarantine at magpatupad na lamang ng mas maraming granular lockdowns sa mga lugar na may pagtaas ng COVID-19 cases alang-alang sa ekonomiya ng bansa.

Gayunman, batay sa projection ng Department of Health (DOH), posibleng bumaba ang kaso sa NCR sa katapusan ng Setyembre kung magsasagawa ng 5 Linggong ECQ.

Pagtitiyak naman ng Malacañang, ibabatay ang desisyon ng pamahalaan sa datos ng COVID-19 situation at health care utilization rate kung papalawigin pa ba o luluwagan na ang community quarantine sa Metro Manila.

“We all want a lesser quarantine classification para mas maraming tao po ang makapag-trabaho pero ang desisyon po natin is total health titingnan natin ang mga datos, sa takdang panahon, pero matagal pa po, a-bente pa po ang katapusan ng ECQ dito sa Metro Manila” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, may rekomendasyon na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng community quarantine sa Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro.

Nasa ilalim NG ECQ ang mga lugar na ito hanggang sa Linggo.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,