Nagpakitang gilas ang labing pitong Local Government Units sa isinagawang Rescue Skills Olympics ng Metro Manila Development Authority.
Dito ipinamalas ng mga LGU ang iba’t ibang kasanayan at paghahanda sakaling tumama ang isang malakas na lindol.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, malalaman din dito kung ano pa ang mga dapat maidagdag sa rescue skills at equipment ng mga LGU.
Naimbitahan naman ang UNTV Rescue Manager na si Jeffrey Santos upang maging isa sa mga judge sa Rescue Olympics at makapagbahagi rin ng mga kaalaman hinggil sa pagsagip ng buhay.
Kasabay ng Rescue Olympics ay nagsagawa naman ng pulong ang labing pitong Metro Manila Mayors bilang bahagi pa rin ng paghahanda sa lindol.
Isang Metrowide Earthquake Drill din ang nakatakdang isagawa sa Hulyo.
Bukas ay muli namang ilulunsad ng MMDA ang Oplan Metro YAKAL kung saan magkakaroon ng tatlong lugar sa Metro Manila na itatalaga bilang mga Temporary Evacuation Areas sakaling tumama ang malakas na lindol.
Kabilang dito ang Villamor Airbase sa Pasay bilang South Sector, Intramuros sa Maynila bilang West Sector, VMMC Golf Course sa Quezon City bilang North Sector at LRT 2 Santolan Station Grounds sa East Sector.
Sa ilalim ng North Sector ang Caloocan, Valenzuela, Malabon at Quezon City. Ang Navotas, Manila at Pasay ang bubuo sa West Sector habang ang lungsod ng Makati, Taguig, Muntinlupa, Paranaque, Las Pinas, at munisipalidad ng Pateros ang South Sector.
Itinakda naman ng MMDA sa June 5 ang Earthquake Drill para sa East Sector na kinabibilangan ng lungsod ng Marikina, San Juan, Pasig at Mandaluyong. (Mon Jocson/UNTV News)
Tags: Metro Manila Development Authority, MMDA Chairman Francis Tolentino
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com