Kahandaan ng mga bus terminal sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong undas, iinspeksyunin ng LTFRB

by Radyo La Verdad | October 27, 2017 (Friday) | 3287

Nagpalabas na ng guidelines ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang bigyan ng gabay ang lahat ng mga pampublikong sasakyan na bibiyahe ngayong undas.

Sa Lunes, muling mag-iikot sa ilang bus terminal ang mga tauhan ng LTFRB upang makita ang kahandaan ng mga ito sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.

Paalala ng ahensya sa mga bus company, dapat siguruhin na maayos ang kondisyon ng kanilang mga bus, gaya na lamang ng preno, gulong, ilaw at iba pang bahagi ng sasakyan. Kinakailangan rin na may kapalitan ang driver lalo na kung hihigit sa anim na oras ang biyahe.

Ipinagbabawal rin ng LTFRB ang pagpapaupo ng pasahero sa center isle ng bus,upang maluwag itong madaanan ng mga pasahero.

Binilinan rin nito ang mga driver na ugaliing sumunod sa batas trapiko upang makaiwas sa aksidente sa daan.

Muli ring pinaalalahanan ng ahensya ang mga pasahero laban sa modus ng ilang colorum na sasakyan na sinasamantala ang dami ng mga ng mga bibiyahe ngayong long holiday.

Babala ng LTFRB, iwasang sumakay sa mga colorum na sasakyan dahil kung sakaling ito ay maaksidente, walang maasahang insurance o financial assistance ang isang pasahero sa kanyang pagpapagamot.

Tiniyak naman ng ilang bus terminal sa Quezon City na naghahanda na sila sa inaasahang bulto ng mga pasaherong biyaheng probinsya.

Bukod sa ligtas na pagbiyahe, kabilang pa sa ikinokonsidera ng ilang mga pasahero ang kaayusan sa pasilidad ng mga bus at terminal nito.

Samantala, inaprubahan na rin ng LTFRB ang aplikasyon ng higit sa limang daang mga bus na nais makabiyahe sa ibang mga ruta sa probinsya ngayong undas.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,