Kahalagahan ng road board safety, muling ipinaalala ng LTFRB sa mga PUV driver

by Radyo La Verdad | December 28, 2017 (Thursday) | 3030

Ikinababahala ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang sunod-sunod na aksidente na kinasasangkutan ng mga Public Utility Vehicle.

Ilan sa mga ito ang trahedyang nangyari sa Agoo La Union, kung saan 20 tao ang nasawi kabilang na ang limang buwang sanggol. Sinundan pa ito ng isa pang aksidente kahapon, kung saan sugatan din ang 10 pasahero matapos na mahulog ang isang bus sa bangin sa Quezon Province.

Dahil dito, muling nagpapaalala ang LTFRB sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan hinggil sa kahalagahan ng road safety upang makaiwas sa mga aksidente sa kalsada.

Babala ng LTFRB, posibleng tanggalan ng prangkisa ang mga driver at operator na masasangkot sa alinmang aksidente sa oras na mapatunayan na nagkaroon sila ng kapabayaan.

Samantala, kasalukuyan nang nakaburol ngayon sa isang plaza ang mga labi ng 18 sa mga nasawing biktima sa malagim na aksidente sa San Jose Sur, Agoo, La Union.

Ayon kay Mayor Eulogio Clarence Martin De Guzman III, nagpaabot na rin sila ang tulong sa mga kaanak nito.

Hawak na rin ng Agoo PNP ang CCTV footage ng lokal na pamahalaan ng Agoo na nakatutok sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Ayon sa PNP malaking bagay ang CCTV footage na nagagamit sa kanilang  imbestigasyon .

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,