Kagawaran ng Agrikultura nakahandang magbigay ng tulong para sa mga magsasakang nasalanta ng Bagyong Rolly

by Erika Endraca | November 2, 2020 (Monday) | 12738

Tiniyak ng kagawaran ng agrikultura na makakatanggap ng ayuda ang mga magsasaka pati na rin ang mga mangingisda na naapektuhan ng Bagyong Rolly.

Kasabay ng P400M na quick response fund, magkakaloob din ng 133,326 na sako ng bigas, 17,545 na sako ng mais at 1,980 kilo ng sari-saring gulay. Ito ay mga binhi na manggagaling sa opisina ng rehiyon kaugnay ng kagawaran.

Handa rin silang mamahagi ng humigit-kumulang 10M piraso ng tilapia at mga binhi ng bangus kasama na ang mga gamit sa pangingisda at kagamitan. Ang mga ahensya naman na kaakibat ng Kagawaran tulad ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ay nag-aalok ng programa ng pautang at pondo upang makatulong sa mga pagkaluging naranasan ng mga magsasaka dulot ng malakas na bagyo.

Dahil sa maagang payo na ginawa ng Kagawaran bago pa pumasok ang bagyong Rolly sa bansa, ilang ektarya rin ng palayan at maisan ang naisalba. Nagkakahalaga ng mahigit P17B ang natipid ng kagawaran dahil dito.

Patuloy ang pakikipag ugnayan ng kagawaran ng agrikultura sa mga lokal at nasyonal na ahensya ng pamahalaan pati na ang iba pang tanggapan na kaugnay sa Disaster Risk Reduction and Management.

(Beth Pilares |La Verdad Correspondent)

Tags: ,