Kabuuang P2.75-M, naipagkaloob ng Wish Music Awards sa nanalong artists at beneficiaries nito sa loob ng dalawang taon

by Radyo La Verdad | January 12, 2018 (Friday) | 1139

Bukod sa layong magbigay ng coolest musical experience, nais din ng WISH 107-5 na sa munting paraan ay makatulong sa mga nangangailangan. Isa sa mga ito ay sa pamamagitan ng Wish Music Awards.

Awards night at kawang-gawa, ito ang Wish Music Awards. Taong 2016 nang magpasimula ang Wish Music Awards na nagbibigay parangal sa OPM artist na nagpakita ng pambihirang husay sa taong iyon.

Ngunit bukod sa nananalong musicians, ilang taong nangangailangan din ang napapasaya ng charitable event na ito. Sa loob pa lamang ng dalawang taon, 2.75 million pesos na ang naipagkaloob ng WISH FM sa mga nagwaging artists at beneficiaries nito.

Noong nakaraang taon, biggest winner ang tinaguriang ‘Next Big Diva’ na si Morissette na humakot ng anim na awards. Ang cover ni Morisette ng “Secret Love Song” ay nag-viral at hinangaan sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan ay umabot ng may higit nang 57 million views.

Sa pagkakataong ito, hindi lamang si Morissette ang nanalo kundi ang mga batang naghahanap ng pagkalinga.

Ang Meritxell Children’s World Foundation, isang non-government organization na nag-aampon ng mga batang inabandona, ang napiling beneficiary ni Morissette.

Sa pamamagitan ng Wish Music Awards, natulungan ma-sustine ang pangangailangan ng nasa dalawampung batang inaalagaan at pinag-aaral ng foundation. Kaya naman, nag-uumapaw ang pasasalamat nito sa WISH FM.

Siguradong excited na ang lahat dahil sa Lunes na ang ikatlong Wish Music Awards. Sa susunod na bahagi ng aking report, alamin natin kung ano-ano at sino-sino ang aabangan sa one-of-a-kind awards night.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,