Kabuuang kaso ng COVID-19 Delta variant sa Pilipinas, umabot na sa 216

by Erika Endraca | July 30, 2021 (Friday) | 1552

METRO MANILA – Umakyat na sa 216 ang mga nagpositibo sa COVID-19 Delta variant sa bansa matapos madagdagan ng 97 nitong Huwebes (Hulyo 29).

Sa tala ng DOH (Department of Health), 88 rito ang mga lokal na kaso, anim ang Returning Overseas Filipinos (ROF), at 3 naman ang sinusuri pa ng ahensya.

94 sa mga bagong kaso ang nakarekober na habang 3 naman ang nasawi.

Bukod dito, iniulat din ng DOH na 83 kaso ang nadagdag sa Alpha variant, 127 sa Beta variant, at 22 naman sa P.3 variant.

Samantala, binigyang-diin ng kagawaran na makatutulong sa mga priority group A2 (mga senior citizen) at A3 (mga may comorbidity na hindi kasama sa naunang kategorya) ang pagbabakuna upang makaiwas sa malulubhang sintomas at kamatayan mula sa sakit na ito.

(Rhuss Egano | La Verdad Correspondent)

Tags: