Kabuuang cash assistance ni Pangulong Duterte, ipagkakaloob ngayon araw sa Albay province

by Radyo La Verdad | January 31, 2018 (Wednesday) | 4532

Mayroong 50 million pesos na cash assistance mula kay Pangulong Duterte ang iti-turn over para sa pangangailangan ng mga Albayano na apektado ng pagputok ng Bulkang Mayon.

Ang 50 million pesos ay karagdagan sa nauna ng 25 million pesos na ibinigay ni Pangulong Duterte noong bumisita ito sa Legazpi City noong Lunes. Ilan sa cash assistance ay mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ayon kay Albay Governor Al Francis Bichara, malaki ang magiging tulong nito lalo na at paubos na ang pera ng mga lokal na pamahalaan na mula sa kanilang calamity fund.

Laking pasasalamat din ng probinsya ng Albay sa mga pribadong organisasyon na tumulong sa kanila.

Ayon kay Governor Bichara, nagpulong na sila kasama ang mga alkalde ng mga naapektuhang mga lugar kung paano hahatiin ang tulong mula sa Pangulo.

Ibabatay nila ito ayon sa bilin ng Pangulo sa mga pangunahing dapat bigyan ng pansin gaya ng pagkain, sanitasyon at kalusugan ng mga apektadong residente na nasa mga evacuation centers.

Inatasan din ni Pangulong Duterte ang Armed Forces of the Philippines para sa logistics ng mga relief goods lalo na sa malalayong lugar sa probinsya ng Albay na nangangailangan ng assistance.

Itinalaga naman ni Pangulong Duterte si Atty.Francis Tolentino bilang emisaryo ng pamahalaan sa Albay.

Pinulong na rin ni Tolentino ang mga alkalde upang makuha ang kanilang mga reklamo at hinaing.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,