Kabuoang rehabilitasyon ng Marawi City, aabot sa fifty-three billion pesos

by Radyo La Verdad | May 22, 2018 (Tuesday) | 6655

Isang taon makalipas ang nangyaring paglusob ng mga Maute terrorist group sa Marawi City, abala pa rin ngayon ang pamahalaan sa isinasagawang rehabilitation and recovery project upang muling mapanumbalik ang maayos at normal na pamumuhay ng ating mga kababayan doon.

Sa pagtaya ng National Economic Development Authority (NEDA) na isa sa mga ahensyang tumututok sa rehabilitasyon ng Marawi, posibleng abutin ng fifty-three billion pesos ang halagang kakailangan para sa kabuoang rehabilitasyon ng Marawi City.

Ayon sa NEDA, malaking porsyento ng 53 billion pesos ay kakailanganin nang magamit ngayong taon.

Sakop nito ang mahigit sa walong daang priority programs, projects at activity na target na magawa ng pamahalaan hanggang sa taong 2022.

Base sa breakdown ng NEDA, nasa 26 bilyong piso ang kakailangan para sa physical infrastructure, 5.8 billion naman para sa social services at mahigit 10 bilyon para sa housing.

Mahigit 7 bilyong piso naman ang ilalaan para sa livelihood and business development, 1.2 bilyon para sa local governance and peace building at 2 bilyong piso para sa land resource and management.

Paliwanag pa ng NEDA, mayroong tatlong resources na maaring pagkunan ng pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi. Pinakauna na rito ang pondo ng gobyerno na nakapaloob sa 2018 national budget, mga donasyon na magmumula sa private at non-government agencies at non-profit organizations. Gayundin ang mga magmumula sa Official Development Assistance (ODA).

Ayon sa NEDA, posibleng madagdagan pa ang estimated 53-billion peso fund, depende sa magiging rekomendasyon ng iba pang stakeholders.

Bagaman malaking halaga pa ang kakailanganin, kumpiyansa naman ang NEDA na kakayanin ng pamahalaan na gawan ng paraan upang sapatan ang pondo upang muling makabangon ang bayan ng Marawi.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,