Kabayanihan ni Rizal, hiniling ni Pangulong Duterte na kilalanin ng publiko

by Radyo La Verdad | January 1, 2018 (Monday) | 6415

Matapos ang higit isang linggong pananatili sa Mindanao, lumuwas ng Maynila si Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado upang pangunahan ang National Day of Commemoration sa ika-121 anibersaryo ng kabayanihan ni Gat Jose Rizal.

Tuwing ika-30 ng Disyembre, ginugunita ang buhay at mga gawa ni Rizal na ginawaran ng parusang kamatayan noong December 30, 1896 dahil sa paglaban sa mga prayle.

Kasama ng punong ehekutibo sa flag raising at wreath laying ceremony sina Vice President Leni Robredo, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Special Assistant to the President Bong Go, Armed Forces of the Philippines Chief General Rey Guerrero, Manila Mayor Joseph Estrada at iba pa.

Sa mensahe ni Pangulong Duterte para sa pagdiriwang, ipinahayag nitong si Rizal ang dahilan ng isang pagkilos na nagbigay-daan sa pag-usbong ng isang bansang may sariling pagkakakilanlan.

Kaya hiniling ng punong ehekutibo sa publiko na kilalanin ang pag-aalay ng buhay ni Rizal at pagnilayan ang pagmamahal nito sa bayan habang pinagsisikapang tuparin ang hangarin ng lahat para sa isang nagkakaisa, mapayapa at maunlad na Pilipinas.

Samantala, sa sidelines ng paggunita sa Rizal Day, ipinangako ni Pangulong Duterte sa pamilya ni UST student na si Atio Castillo na nasawi sa isang hazing rites ng Aegis Juris Fraternity ang mabilisang resolusyon sa kaso nito.

Si Atio ay kabilang sa ika-anim na henerasyon ng descendants ng pambansang bayaning si Jose Rizal. Ang ama ni Atio na si Horacio Castillo Jr. ay great grandson ng bunsong kapatid ni Jose Rizal na si Soledad Alonso Rizal.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,