Kabayanihan ni dating Sen. Ninoy Aquino, ginunita ng ilang kaanak at supporters sa Manila Memorial Park

by Radyo La Verdad | August 21, 2018 (Tuesday) | 4762

Suot ang dilaw na t-shirt, ipinakita ng mga dumalaw sa puntod ni dating Senator Benigno Simeon “Ninoy” Aquino Junior sa Manila Memorial Park ang kanilang pakikiisa sa paggunita sa kaniyang naging kabayanihan ika-35 taon na ang nakaraan.

Dumating rin dito ang mga kilalang kaalyado ni dating Pangulong Benigno Aquino III at kaniyang gabinete. Kabilang na sina Senators Antonio Trillanes, Franklin Drilon at Mar Roxas. Para sa dating Pangulo, may matututunan ang kasalukuyang henerasyon tungkol sa ginawang sakripisyo ng kaniyang ama.

Si Ninoy ay pinaslang noong ika-21 ng Agosto 1983 pagbaba niya sa eroplano sa Manila International Airport. Kasunod ng kaniyang pagkamatay ay nag-alsa ang milyun-milyong pilipino sa tinaguriang EDSA People Power 1 laban sa rehimeng Marcos.

Samantala, nanawagan naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lider ng pamahalaan na gayahin ang dedikasyon sa bayan ni Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Sa mensahe ni Pangulong Duterte para sa commemoration ng Ninoy Aquino Day, sinabi ng punong ehekutibo na ang pag-ibig sa bansa ni Aquino ang nagbigay-daan upang maibalik ang kapayapaan at demokrasya sa bansa.

Bukod dito, sinabi rin ni Pangulong Duterte na kailangan ng Pilipinas ng maraming Ninoy upang makamit ang mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaisang labanan ang mga suliraning nagpapahirap sa bansa.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,