Kaanak ng biktima ng bullying sa kumalat na video sa social media, humihiling na aksyunan ng pamunuan ng paaralan ang nangyari

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 2278

March 1 ngayong taon ng kumalat sa social media ang video na ito ng pambubully ng ilang estudyante sa kapwa nila mag-aaral

Makikita dito ang isa sa kanila na dinuduro, pinagmumura at saka ilang ulit na sinampal ang isang estudyanteng nakaupo.

Ang mga ito ay mag-aaral ng Sacred Heart College Lucena City sa Quezon Province.

Ayon sa statement na inilabas ng paaralan, noong nakaraang taon pa ito nangyari, nakausap na nila ang mga sangkot sa insidente at naayos na ang problema.

Ngunit ayon sa lola ng estudyanteng sinaktan sa video, bagamat kasama sila sa pinag-harap-harap sa paaralan, hindi umano nila alam na ganito ang ginawa sa kaniyang apo.

Ikinagulat umano nila ng ina ng bata na isang overseas Filipino worker ang nakitang labis na pananakit dito kaya humihiling sila na muling buksan ang imbestigasyon dito.

Matapos ang pag-uusap noong kakaraang taon ay napag-alaman nyang may mga kasunod pa na insidente ng pangbubully sa kanyang apo.

Dahil sa pagkalat ng video, na-trauma na umano ang bata at ayaw ng pumasok sa paaralan, kaya nanindigan silang hindi titigil hanggat hindi naaksyunan ang insidente.

Ayon sa pamunuan ng paaralan, muli nilang iimbistigahan ng panyayari at bibigyan pagkakataong magpaliwanag ang bawat panig.

Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng Lucena City, higit silang nababahala sa pagre-repost ng video dahil posibleng maging instrumento ito upang maging cyber bullying sa mga menor de edad na sangkot sa insidente.

 

( Japhet Cablaida / UNTV Correspondent )

Tags: ,