K9 dogs, itinuturing na bayani ng PDEA

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 3531

Ang Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ay gumagamit ng mga K9 dogs sa kanilang mga operasyon kontra iligal na droga.

Isinasailalim ang mga K9 dogs sa anim hanggang dalawang taong training, kasama ang mga handelrs nito para maging isang narcotic detection dogs.

Sinasanay ang mga aso sa pag-amoy sa pitong klase ng illegal substance. Halos walong taon nang PDEA K9 handler si Ryan Plaza.

Kuwento ni Ryan, ang pinakamahirap na nahawakan nitong K9 dog ay ang Belgian Mallinois. Ang panahon at tiyaga na inilalaan sa pagtuturo ay nagbubunga ng magandang koneksyon ng aso at ng nag-aalaga nito.

Paiba-iba ang deployment ng mga K9 units kaya lapitin din sa sakit ang mga ito. Kaya naman kailangan din ng mga regular check-ups, vitamins, tamang pagkain at iba pang maintenance upang panatilihing malakas ang resistensya at malusog ang pangangatawan ng mga K9 dogs.

Pero ayon sa PDEA, tulad ng tao, nagugulat at napapagod din ang mga K9 dogs.

Mula walo hanggang labing limang taon lang ang kadalasang itinatagal ng buhay ng aso. Napapakinabangan naman ng PDEA ang mga K9 dogs sa loob ng walong taon o depende sa kakayahan pa nitong gampanan ang pagiging narcotic dog.

Matapos nito, panahon na para magretiro ang mga tinuturing na bayaning aso ng PDEA.

Pero sa halip na na hayaan nalang tumanda hanggang sa mamatay sa kulungan, pinagpasyahan ng PDEA na ipaampon ang mga ito.

Nitong nakaraang linggo, labing siyam na masu-swerteng tao ang nabigyan ng mga retiradong K9 dogs. Pero kahit reterado ang mga ito, taglay pa rin nila ang mga talinong natutunan mula sa mga training at karanasang pinagdaanan.

Sa huli, walang ano mang medalya ang katumbas ng isang bagong tahanan na magbibigay ng komportableng pag-aalaga at pagmamahal para sa mga katulad nilang hayop na nagsilbi sa bayan.

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,