Bukas si Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa posibleng pagsabak sa 2019 senatorial elections pero nakadepende aniya ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Bilang chairman ng PDP-Laban, si Pangulong Duterte ang pinal na magpapasya kung sinu-sino ang makakasama sa senatorial line up ng partido.
Sa ngayon, ayon kay Aguirre, nais muna niyang pagtuunan ng pansin ang kaniyang trabaho. Lumutang ang pangalan ng kalihim bilang posibleng senatorial candidate ng administrasyon matapos banggitin ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Alvarez, siya mismo ang kukumbinsi sa Pangulo na isama si Aguirre sa kanilang senatorial line up upang makatulong ito na mapabilis ang pagpasa ng mga batas sa senado.
Himutok ng lider ng Kamara, sa isandaan at sampung bills na ipinasa nila sa senado, sasampu lamang dito ang naging ganap na batas.
Nitong Biyernes, inanunsyo na rin ni Alvarez na kabilang sa kakandidato bilang senador sina Presidential Spokesperson Harry Roque at Communications Assistant Sec. Mocha Uson.
Pero paglilinaw ni Alvarez, temporary pa lamang ang listahan at pagpapasyahan pa ito ng partido.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Aguirre, Pangulong Duterte, senador