Hindi magpapatinag sa kanyang adbokasiya na pagtatanggol ng sovereign right ng Pilipinas sa West Philippine Sea si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.
Ito aniya ay kahit na magkaraoon ito ng epekto sa kanyang nominasyon sa mga pinagpipilian bilang susunod na chief justice ng Korte Suprema.
Lalo na aniya at kilalang malapit sa China si Pangulong Rodrigo Duterte na siyang may kapangyarihan na magtalaga ng susunod na punong mahistrado.
Ginawa nito ang pahayag ng magbigay ng lecture kaugnay sa West Philippine Sea sa isang pagtitipon ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa Makati kagabi.
Noong nakaraang linggo ay una nang tinanggap ni Justice Carpio ang kanyang automatic nomination bilang susunod na chief justice.
Lalo na aniya at sa pagkakataong ito ay wala na umanong balakid para tanggihan ang kaniyang nominasyon.
Hindi tulad noong panahong napawalang-bisa ang appointment kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Bukod kay Justice Carpio, tinanggap na rin nina Justices Lucas Bersamin, Estella Perlas-Bernabe at Andres Reyes Jr. ang kani-kanilang automatic nomination sa nabakanteng pwesto ng chief justice.
Ito ay matapos ang mandatory retirement ni Teresita Leonardo De Castro noong ika-10 ng Oktubre.
Pinalawig ng JBC ang pagtanggap ng aplikasyon at nominasyon para sa pagpili ng susunod na mahistrado hanggang ika-26 ng Oktubre.
Sakaling palarin, may hanggang susunod na taon o hanggang Oktubre 2019 si Carpio upang pamunuan ang Korte Suprema.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: Justice Carpio, Pilipinas, sovereign right