Judiciary Magis, nakuha ang una nilang panalo sa UNTV Cup Season 7 matapos talunin ang Ombudsman Graft Busters

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 11745

Nabuhayan ng pag-asa na makapasok pa sa second round eliminations ang two time champion Judiciary Magis matapos tambakan ang Ombudsman Graft Busters sa first game ng triple header ng UNTV Cup Season 7 sa Pasig City Sports Center kahapon sa score na 104-65.

Nanguna sa Magis sina Richard Litonjua at Edu Mustre na may combined 24 points. Dahil sa panalo, umakyat sa 1-3 win loss record ang Magis.

Sasagupain naman ng Judiciary ang Philhealth Plus na may tig dalawang panalo at talo sa knock out game sa Linggo.

Ang Ombudsman na may apat na talo at wala pang panalo ay haharapin naman ang NHA Builders sa isang non-bearing game sa ika-8 ng Nobyembre.

Lumaki rin ang tsansa ng rookie team PITC Global Traders na makaabante sa second round eliminations. Tinalo ng PITC sa makapigil hinigang bakbakan ang DOJ Justice Boosters sa sore na 74-60. Abante pa ng trese puntos ang PITC sa third quarter, 55- 42.

Naibaba ito sa apat na puntos ng DOJ makalipas ang limang minuto, 59 – 54; ngunit magkasunod na nagpakawala ng three points si Ryan Regalado at Mark Lester Gegale mahigit dalawang minuto na lamang ang nalalabi upang iangat sa sampung puntos ang abante ng Global Traders at hindi na nakahabol pa ang DOJ.

Best player of the game sina Rod Vasaloo na may 22 points at si Haddi Porto na may 15 points.

At sa third game, hindi pa rin nadudungisan ang record ng two time champion AFP Cavaliers matapos talunin ang GSIS Furies sa score na 93- 87.

Best player of the game sina Vicente Evidor at Boyet Bautista na combined 40 points at 9 rebounds. Dahil dito, sigurado na ang ticket ng Cavaliers sa second round eliminations may apat na panalo at wala pang talo.

Habang nagpaalam na sa liga ang GSIS na may isang panalo at apat na talo.

May natitira pang isang laban ang AFP sa first round elims kontra defending champion Senate Defenders sa ika-8 ng Nobyembre.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,