Joma Sison, walang balak umuwi ng Pilipinas sa kabila ng garantiya ni Pres. Duterte sa kaniyang kaligtasan

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 3811

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes na sa Pilipnas dapat gawin ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sa eksklusibong panayam ng UNTV News kay Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison, nanindigan ito na hindi dapat sa Pilipinas isagawa ang peace talks.

Dapat aniya ay sa isang neutral ground ganapin ang negosasyon at may bansang mamamagitan dito batay sa nakasaad sa the hague joint declaration at joint agreement on safety and multi guarantees.

Una nang sinabi ng Malacañang na dapat ay sa Pilipinas isagawa ang peace negotiations kasabay ng pag-tiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaligtasan ng mga negosyador ng NDFP. Suportado rin ni Senator Panfilo Lacson ang posisyon ng pangulo.

Pero si Sison, walang balak umuwi ng Pilipinas sa kabila ng binitiwang garantiya ng punong ehekutibo.

Ngunit tiwala si Sison na sa kabila ng pagkakadiskaril ng peace talks ay may liwanag pa ring natatanaw sa dulo ng isang madilim na lagusan.

Naniniwala si Sison na hindi madali ang daan patungo sa kapayapaan, pero umaasa ito na sa tamang panahon ay magtatagpo rin ang dalawang grupo sa isang kasunduan na magiging kapakipakinabang sa lahat ng mamamayang Pilipino.

 

( Cynthia Teruel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,