Joint Task Force Basilan, nagsasagawa na ng operasyon para mailigtas ang 2 crew ng roro vessel na dinukot umano ng ASG sa Basilan

by Radyo La Verdad | March 24, 2017 (Friday) | 4164


Isang panibagong seajacking incident ang naitala kahapon ng tanghali sa Sibago Island sa probinsya ng Basilan.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command, dinukot ng pinaniniwalaang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group ang dalawang tripulante ng Panamanian-Flagged MV Super Shuttle Roro 9 na sina Captain Aurelio Agacac at Chief Engineer Laurencio Tiro.

Biyaheng General Santos City ang barko nang harangin ng mga armadong lalaki na sakay ng speedboats at sapilitang tinangay ang dalawang biktima.

Agad umanong rumesponde ang AFP WesMinCom nang mabalitaan ang insidente at nakaengkwentro pa ang mga kidnapper na nagresulta sa pagkakahuli ng isa sa mga ito.

Sa ngayon ay patuloy na ang pursuit operations sa pangunguna ng Joint Task Force Basilan para mahuli ang mga suspect at mailigtas ang mga biktima.

Naniniwala ang militar na nasa bayan lamang ng Mohammad Adjul at Tuburan sa Basilan ang mga kidnapper.

Matatandaang noong nakaraang January 4, 2017 ay isa ring seajacking incident ang naitala sa naturang isla ngunit napigilan ito ng mga rumespondeng tauhan ng Philippine Coast Guard.

Aminado ang AFP na napakalawak ng karagatan sa bahagi ng Basilan at mahirap itong bantayan.

Sa ngayon ay may natitirang pang 31 bihag ang ASG, 23 rito ay mga dayuhan at 8 ang mga Pilipino.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,