Joint exploration ng Pilipinas at China, dapat umayon pa rin sa mga umiiral na batas – experts

by Radyo La Verdad | November 21, 2018 (Wednesday) | 7436

Ilang taon na ring nakikipaglaban ang Pilipinas sa karapatan nito sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

Noong nakaraang administrasyon, umabot ang laban na ito sa international arbitration. Naging mainit ang usapin ng maritime rights sa rehiyon.

Dahil na rin ito sa paniniwalang mayaman sa langis o natural gas ang ilang bahagi ng rehiyon. Partikular sa tinatawag na service contract 72 na matatagpuan sa pinagtatalunang recto o reed bank.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, naging bukas si Pangulong Rodrigo Duterte sa joint exploration sa WPS kasama ang China.

Sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa bansa, lumutang na ang posibleng paglalatag ng balangkas para sa kasunduang oil and gas exploration sa WPS.

Sa text message ni Senate Committee on Energy Chairperson Sherwin Gatchalian, kung sakaling itutuloy ito ng pamahalaan, dapat pa rin itong umayon sa konstitusyon at mga batas na may kaugnayan sa oil at gas exploration.

Ito rin ang pananaw ng director ng Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na si Jay Batongbacal.

Para sa legal expert na si Attorney George Erwin Garcia, walang dapat ikabahala sa joint exploration kung pag-uusapan ay ang banta sa soberanya ng Pilipinas.

Batay sa konstitusyon, pinapayagan naman ang joint exploration sa isang foreign owned corporations basta ito ay nasa kontrol at pangangasiwa ng Pilipinas. Dapat rin itong pumasok sa 60-40 na hatian na pabor sa Pilipinas.

Tiniyak naman ng Malakanyang na pag-aaralang mabuti anoman ang papasuking kasunduan ng bansa.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,