John Paul Solano, humarap sa imbestigasyon ng Senado sa pagpaslang kay Horacio Castillo III

by Radyo La Verdad | September 26, 2017 (Tuesday) | 2862

Una nang nangako si John  Paul Solano, ang pangunahing suspek sa kaso ng pagpatay sa UST law student na si Horacio Castillo III, na ihahayag ang lahat ng nalalaman sa kaso. Kahapon humarap na ito sa pag-uumpisa ng imbestigasyon ng Senado sa “Atio” slay case.

Muli itong nanindigan na walang kinalaman sa hazing at ipinaliwanag kung bakit nagsinungaling sa unang impormasyong ibinigay sa mga otoridad.

Itinanggi rin ni Solano na siya ang nag –recruit kay Castillo na sumali sa Aegis Juris Fraternity at sinabing hindi na siya aktibong miyembro ng grupo. 

Humarap din sa Senado ang isa pang miyembro ng  Aegis Juris Fraternity na si Jason Adolfo Robinos, isa sa mga nasa immigration lookout bulletin na inilabas ng National Bureau of Immigration. Sumuko rin ito kay Senador Panfilo Lacson bandang alas singko kahapon.

Samantala, di naman napigilan ng ama ni Atio na maging emosyonal naman sa kaniyang talumpati sa kalagitnaan ng pagdinig at sinabing tinrato ng Aegis Juris Fraternity ang kaniyang anak na parang hayop.

Matapos ang tatlong oras na pagdinig ay nagkaroon ng executive session ang  mga senador at si John Paul Solano kasama ang abogado nito.

Nagbigay umano ng karagdagang pahayag si Solano sa detalye ng kaso kabilang ang mga taong sangkot sa pagkamatay ni Castillo na hindi nito mailahad sa publiko.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,