Job security ng mga magsusumbong sa employer na lumalabag sa OSH law, tiniyak ng DOLE

by Radyo La Verdad | August 23, 2018 (Thursday) | 3220

Sa pagsasabatas sa Occupational Safety and Health Standards (OSH) law, hindi na maaaring ipanakot ng mga employer na mawawalan ng trabaho o hindi makakasahod ang isang manggagawa kapag ito ay nagsumbong sa anomang paglabag ng kaniyang employer.

Ito ay dahil isa sa highlight sa OSH law ang karapatan ng mga manggagawang magsumbong o iparating sa kinauukulan kung may paglabag ang employer kaugnay ng panganib sa kanilang kaligtasan at kalusugan.

Ayon kay DOLE Bureau of Working Conditions Director Ma. Teresita Cucueco, nakapaloob sa section 23 ng OSH law na makakatanggap pa rin ng sahod ang isang manggagawa kahit na maipasara ang pinagtatrabahuan nito, lalo na kung mapatunayang may mabigat na paglabag ang isang employer at wala namang kinalaman dito ang mga obrero.

Maaari ding mag-file ng claims ang isang manggagawa para sa compensation benefit kapag ito ay naaksidente o mamatay habang ito ay nagtatrabaho.

Pinagtitibay ng OSH law ang adminstrative penalty para sa lalabag na kumpanya o employer kung saan magbabayad ang mga ito ng p100,000 kada araw hangga’t hindi nareresolba ang isang violation.

Sinisiguro rin ng DOLE na mapupunta sa mandatory eight hour safety and health seminar ng mga manggagawa ang ipambabayad na penalty ng mga lalabag na employer.

Malaking bagay naman para sa mga manggagawa ang pagsasabatas sa OSH sa ilalim ng administrasyong Duterte, dahil kahit paano nararamdaman anila ang malasakit ng pamahalaan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,