Jeepney operators, iginiit ang pagpapatupad ng dagdag-pasahe sa kabila ng rollback sa presyo ng langis

by Radyo La Verdad | October 26, 2018 (Friday) | 2867

Nanindigan ang ilang jeepney at bus operators na dapat pa ring ituloy ang pagpapatupad ng dagdag-singil sa pasahe. Ito’y sa kabila ng dalawang pisong roll back sa presyo ng langis sa nakalipas na dalawang linggo. Dagdag pa ang inaasahang bawas-presyo na ipatutupad susunod na Linggo.

Bukod sa rollback sa langis, inaasahan rin na bababa sa 4th quarter ngayong taon ang inflation rate sa bansa.

Subalit giit ng presidente ng Pasang Masda na si Obet Martin, lubhang mabigat pa rin para sa mga driver ang gastos kahit pa bumaba ng dalawang hanggang tatlong piso ang krudo.

Pero ang mga pasahero, umaapela sa pamahalaan na huwag nang ituloy ang dagdag pasahe.

Sa susunod na buwan na sana sisimulan ang paninigil ng dagdag pasahe, subalit posible pa itong maantala habang dinirinig ng petisyon na kumokontra sa pagpapatupad nito.

Samantala, kinuwestyon naman ng Pasang Masda ang planong pagbawas sa halaga ng Pantawid Pasada Program na ayuda ng gobyerno.

Mula sa planong 20-libong pisong fuel assistance, posibleng bumaba sa sampung libo ang halaga ng fuel voucher kapag natuloy ang suspensyon ng dagdag excise tax sa langis sa 2019.

Para naman sa grupong laban konsyumer, dapat anilang tuparin ng pamahalaan ang pangako nitong suspensyon sa excise tax sa lahat ng produktong langis at coal upang maibsan ang gastos ng mahihirap na Pilipino.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,