Jeane Napoles tumangging maghain ng Plea sa isang kaso sa Court of Tax Appeals

by Radyo La Verdad | May 27, 2015 (Wednesday) | 1382

JEANE NAPOLES
Nakatakip ang mukha at hindi nagpaunlak ng interview sa media ang bunsong anak ni Janet Lim Napoles na si Jeane nang dumating ito sa Court of Tax Appeals kaninang tanghali.

Binasahan ng sakdal ng 3rd Division si Jeane dahil sa umano’y paglabag sa Sec 255 ng National Internal Revenue Code o hindi pagdeklara ng Income Tax Return noong 2011.

Ayon sa impormasyon ng kaso, nagmamay-ari si Jeane ng Condominuim Unit sa Los Angeles, California na nagkakahalaga ng 1.2 million dollars o 54 million pesos.

Katumabas ito ng 17.46 million pesos na buwis na hindi binayaran ni Jeane.

Hindi nagpasok ng plea si Jeane sa korte at sa halip ang Court of Tax Appeals na ang naghain ng Not Guilty Plea para sa kanya.

Ayon din sa kanyang abogado, isang emplayado ng JLN Corporation ang kumuha ng Tax Identification Number ni Jeane ng walang pahintulot nito.

Wala rin aniyang siyang income dahil estudyante lamang ito at naka-ojt lang bilang modelo noong taong 2011.

Ibinigay at ipinangalan lang sa kanya ang nasabing Condominium Unit.

Bago basahan ng sakdal si Jeane nagdesisyon ang Court of Tax Appeals sa iba pang nilang nakabinbin na mosyon sa korte.

Hindi kinatigan ng mga mahistrado ang kanyang hiling na ipadismiss ang Tax Evasion Case laban sa kaniya at sinabing may probable cause upang kasuhan si Jeane

Hindi na rin pinayagan ng korte na ipagpaliban pa ang arraignment ngayong araw dahil lampas na sa prescribed period ang petition for review nila Napoles sa Department of Justice.

Kumpiyanysa naman ang kampo ni Jeane na malulusutan ang kasong kinakaharap nito.

Itatakda pa ng Court of Tax Appeals ang pagbasa ng sakdal kay Jeane Napoles para naman sa violation ng Sec 254 ng National Revenue Code o Tax Evasion.

Inaasahang 3rd Division na rin ang magsasagawa nito matapos pinagbigyan ng korte ang motion for consolidation sa kaso ni Jeane Napoles.(Joyce Balancio/UNTV News)

Tags: