JBC, nagbukas ng aplikasyon para sa isang bakanteng posisyon ng Associate Justice ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | November 17, 2015 (Tuesday) | 1472

SUPREME-COURT
Inanunsyo ng Judicial and Bar Council ang pagbubukas ng bakanteng posisyon sa pagiging Associate Justice sa Korte Suprema.

Ito ay matapos magsumite ng optional retirement ang isa sa mga Supreme Court Associate Justice nito na si Martin Villarama Jr. kamakailan.

Humiling si Villarama sa Korte Suprema na pahintulutan siyang makapagsumite ng optional retirement mula January 16, 2016 dahil sa problema nito sa kalusugan.

Sasapit ang mandatory age of retirement bilang isang Associate Justice ni Villarama na 70 years old sa April 14, 2016.

Subalit hindi nagkomento ang tagapagsalita ng Korte Suprema na si Atty. Theodore Te kung tinanggap na ba ng Supreme Court en Banc ang isinumite nitong optional retirement.

Samantala, ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon, rekomendasyon at personal data sheet sa mga gustong maging Supreme Court Associate Justice ay sa November 23, 2015.

Ang deadline naman para sa pagsusumite ng supporting documents ay sa December 8, 2015.

Ang aplikasyon at rekomendasyon ay dapat na ipasa sa JBC Secretariat Office o ipadala sa email nito.

Maaari namang i-download sa JBC website ang form na personal data sheet sa pamamagitan ng JBC website.

Inanunsyo rin ni Atty. Te na dapat sundin ang panuntunan sa pagsusumite ng aplikasyon sa pagka-Supreme Court Associate Justice na nakalagay sa JBC website. (Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: , ,