METRO MANILA – Isandaang pasyenteng may COVID-19 ang sasailalim sa clinical trials ng gamot na Avigan na kilala rin sa tawag na Favipanir.
Isa ang Pilipinas sa 80 bansa na susubok sa bisa ng anti-flu drug na gawang Japan laban sa COVID-19.
Inasahan ng Department Of Health (DOH) na darating na mga susunod na araw ang supply nito na libreng ipinadala ng Japan.
Dahil nasa clinical trial pa lang, kinakailangang sumang-ayon muna ang pasyente bago ito gamitin sa kaniya.
“Pipili tayo ng mga ospital na isasali natin dito sa trial na ito at doon sa mga ospital na iyon magkakaroon tayo ng protocol kung paano natin pipiliin ang mga pasyente” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.
Patuloy ang clinical trial sa avigan na ayon sa mga siyentipikong chinese ay mabisang gamot sa mga may mild na sintomas ng Coronavirus Disease.
Pero hindi ito maaaring gamitin sa mga buntis dahil posible itong magdulot ng kumplikasyon sa panganganak.
(Aiko Miguel | UNTV News)