Kinumpirma ni Japanese Press Secretary Yasuhisa Kawamura na muling makikibahagi ang Japanese self-defense force sa taunang balikatan o shoulder-to-shoulder joint military exercises ng Pilipinas at United States of America ngayong taon.
Patuloy ding paiigtingin ng Japan ang defense cooperation nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng capacity building at pagkakaloob ng mga military equipment sa bansa.
Kabilang naman sa ipagkakaloob ng japan sa Pilipinas ang mga hig-speed boats at counter-terrorism equipment na nagkakahalaga ng 600 million yen.
Kasalukuyan na ring sinasanay ng Japan ang mga Filipino pilots sa paggamit ng TC-90 light surveillance aircraft.
Limang TC-90 ang ipinangakong pauupahan ng Japanese government sa Pilipinas sa murang halaga.
Samantala, inihayag naman ni Kawamura na walang napag-usapan sina Pangulong Duterte at Prime Minister Abe hinggil sa kasalukuyang ugnayan ng Pilipinas at Amerika.
Una nang tiniyak ng pamahalaan na magpapatuloy pa rin ang balikatan joint military exercises bagamat bahagyang nagkaroon ng tensyon sa ugnayan ng dalawang bansa.
Sa usapin naman ng South China Sea Maritime Dispute, katulad ng Pilipinas, mapayapang pagresolba rin sa agawan ng teritoryo at non-militarization ang isinusulong ng Japan sa pamamagitan ng dayalogo sa pagitan ng ASEAN at China.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: Japan, muling makikibahagi sa 2017 PH-US balikatan exercises