Japan, magpopondo ng P19.9-M sa bagong grassroots projects ng Pilipinas

by Radyo La Verdad | March 3, 2022 (Thursday) | 8172

Pumirma na ang Japanese government ng P19.9-M na pondo para sa 4 na proyekto para makakuha ng mga ambulansya at medical equipment para sa 3 Local Government Units (LGU) at delivery trucks naman para sa mga magsasaka sa 3 iba pang probinsya.

Bahagi ang programang ito sa proyekto ng pinasimulan Japan noong 1989 na Grant Assistance for Grassroots Human Security Projects (GGP) dito sa Pilipinas upang makatulong sa mga bansa na mabawasan ang kahirapan.

Makapagbibigay ang grant na ito ng dalawang ambulansya para sa Parañaque City, muling pagtatayo ng Grace Park Health Center sa Caloocan City, medical equipments para sa rural health unit ng Palo, Leyte, at tatlong refrigerated trucks para sa mga magsasaka ng Laguna, Rizal, at Antique.

Ang 4 na panibagong grant ay magsu-suma sa 553 na kabuuang bilang ng grassroots projects ng Japan na napondohan sa Pilipinas.

Ayon sa Ahon sa Hirap Inc. (ASHI), na isa sa mga makatatanggap, makatutulong ang grant sa mahigit 3,000 magsasaka at makapagsu-supply sila ng mas sariwang produkto direkta sa ASHI partner insitutions, kasama dito ang mga supermarkets at mga fast-food chains.

Ito ang unang GGP contract na napirmahan magmula ng pandemya.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)

Tags: