Janet Napoles, hindi pinayagan ng Sandiganbayan na lumiban sa mga pagdinig

by monaliza | March 19, 2015 (Thursday) | 2497

JANETNAPOLES

Kailangan pa ring humarap sa Sandiganbayan 3rd division si Janet Lim Napoles sa pagdinig ng korte sa kanyang bail petition sa kasong plunder kaugnay ng PDAF scam.

Ito ay matapos hindi pagbigyan ng mga mahistrado ang kanyang hiling na waiver of appearance sa bawat pagdinig.
Ayon kay Napoles, nakakaramdam na umano siya ng physical at mental fatigue sa bawat biyahe nito mula Bureau of Jail Management and Penology sa Taguig hanggang sa Sandiganbayan sa Quezon City.

Giit din ni Napoles, masyadong malaki na ang ginagastos ng BJMP na mahigit P43,000 kada byahe nito.
Dagdag pa ni Napoles, base sa Rules of Court, ang presensya ng isang akusado sa korte ay kinakailangan lamang tuwing arraignment, promulgation at identification of the accused.

Sumagot din ang prosekusyon sinabing hindi makatwiran ang mga dahilang binanggit ni Napoles. Sa huli, kinatigan ng anti-graft court ang prosekusyon at sinabing walang merito ang mosyon ni Napoles.

Samantala, tinanggap naman ng 3rd division ang sulat na pinirmahan ng 16 na senador na humihiling na isailalim na lamang sa house arrest si Sen. Juan Ponce Enrile.

Ayon sa clerk of court ng 3rd division na si Atty Dennis Pulma, hindi maaaring aksyunan ng korte ang sulat dahil wala namang pormal na mosyon na inihain ang kampo ni Enrile. (Joyce Balancio/UNTV News Correspondent)

Tags: , , , ,