Janet Lim Napoles, guilty sa kasong serious illegal detention

by Radyo La Verdad | April 14, 2015 (Tuesday) | 1556

IMAGE_UNTV-News_APR302014_JANET-NAPOLES

Habang buhay na pagkakakulong ang sentensiya kay Janet Lim Napoles ng Makati City Regional Trial Court branch 150 sa kaso nitong serious illegal detention kay Benhur Luy sa loob ng tatlong buwan.

Pinagbabayad din ng korte ng isang daang libong piso si Napoles bilang civil at moral damages kay Benhur Luy.

Inilagay naman ng korte sa archive ang kaso ng kapatid at kapwa akusado ni Napoles na si Reynald “Jojo” Lim.

Sa ngayon ay nagtatago pa rin sa batas si Lim.

Sa desisyon ng Makati RTC branch 150 sinabi nitong napatunayan ang alegasyong pwersahang ikinulong ni Napoles at ni Lim si Luy mula December 2012 hanggang March 2013.

Dahil dito, nawalan ng kalayaan si Luy sa mga nasabing panahon.

Bagaman naipakita nila Napoles sa mga isinumite nilang litrato at CCTV footage na nakalabas pa ng tatlong beses si Luy, gwardiado naman ito ng kapatid ni Napoles.

Napatunayan din sa mga testimonya ng mga saksi na nagsabuwatan ang mga akusado upang isagawa ang krimen.

Gayunman, hindi na ikinagulat ni Napoles ang naging hatol sa kanya ng korte.

Handa naman iakyat ng kampo ni Napoles ang usapin sa mas mataas na hukuman.

Ikinatuwa naman ng kampo ng PDAF witness ang naging desisyon ng korte.

Kasalukyang nakaditine si Napoles sa BJMP Camp Bagong Diwa sa Taguig at wala pang commitment order ang Makati City RTC branch 150 kung ililipat ito sa ibang kulungan. ( Joyce Balancio/UNTV News Correspondent)

Tags: ,