Isyu ng pagtanggal sa may 8,000 empleyado ng PLDT, tatalakayin sa pakikipagpulong kay Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | July 4, 2018 (Wednesday) | 11817

Target na makipagdayalogo sa Pangulo ngayong buwan ang PLDT rank and file employees’ union na manggagawa ng komunikasyon sa Pilipinas bago ang State of the Nation Address (SONA).

Ayon sa secretary general ng grupo na si Pete Pinlac, isa sa hihilingin nila sa Pangulo ang pagbayarin ng backwages ang PLDT sa mga empleyado nito. Batay sa computation ng grupo, aabot na sa 11 bilyong piso ang backwages at benepisyo na dapat bayaran ng kumpanya.

Masyado na anilang agrabyado ang mga empleyado ng PLDT kahit pa nag-isyu na ng writ of execution ang DOLE-NCR noong ika-30 ng Mayo upang gawing regular ang halos 8,000 kontraktwal na mga manggagawa.

Pero sa isang pahayag, itinanggi ng PLDT na may tinatanggal silang mga empleyado.

Ang DOLE umano ang nag-utos na itigil ang kontrata sa tatlumpu’t walong service providers ng kumpanya kasama na ang kanilang call center.

Kinuwestyon na rin umano ng kumpanya sa Court of Appeals (CA) ang kautusan ng DOLE. Pero habang wala pang desisyon ang korte, susundin nila ito.

Sa pahayag naman ni Usec. Joel Maglunsod ng DOLE, suportado nila ang hakbang ng unyon sa pakikipag-dayalogo sa Pangulo.

Aniya, sapat ang kanilang basehan para magdesisyon na ibaba ang kautusan sa PLDT na gawing regular ang kanilang mga manggagawang sa matagal na panahon ay nagsilbi sa kanilang kompanya.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,