Nilinaw ni incoming Department of Foreign Affairs Secretary Perfecto Jun Yasay ang posisyon ng Pilipinas sa arbitral case na inihain laban sa China hinggil sa usapin sa West Philippines Sea.
Sinabi nito na hindi usapin ng ownership o pagmamay-ari ng teritoryo sa West Philippine Sea ang idinulog ng Pilipinas sa U.N. Arbitral Tribunal.
Ito ay dahil walang hurisdiksyon ang UNCLOS na magdesisyon kung sino ang nagmamay-ari ng mga isla sa West Philippine Sea.
Aniya, ang isyu ng pagmamay-ari ng mga teritoryo ay hindi man lang bahagi ng kasong inihain ng pilipinas gaya ng sinasabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na base sa historical map kung kaya dapat na itong isantabi.
Sinabi pa ng opisyal na kinakailangan ring pag-aralan ang magiging desisyon ng arbitral tribunal kung ito man ay pumabor or hindi sa Pilipinas dahil posibleng mauwi ito sa overlapping ng economic zones sa iba pang claimant countries.
Sa ngayon, importante aniya ang suporta ng international community sa pagbibigay ng pressure sa China.
Dapat din aniyang maghinay-hinay sa pagpapakita ng makabayang emosyon ang mga Pilipino upang huwag ng makadagdag pa sa problema.
Maliwanag ang paninindigan ng incoming Duterte administration na sa mapayapang paraan at hindi sa digmaan reresolbahin ang agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
(Jun Soriao/UNTV Radio)