Naghain na ng petisyon sa Korte Suprema ang grupo ni Ilocos Norte Representative Rudy Fariñas para kuwestiyunin ang pagkakatalaga ng Kamara kay Quezon Representative Danilo Suarez bilang minority leader.
Una nang ipinunto ng grupo ni Fariñas na hindi dapat maging lider ng minorya si Suarez dahil siya mismo ang nagtulak para maupo si Pampanga Representative Gloria Arroyo bilang House speaker.
At base sa rules ng Kamara, sinomang bumoto sa nanalong House speaker ay dapat maging miyembro ng mayorya.
Maliban kay Suarez, kabilang sa mga respondent sa petisyon ay sina House Speaker Gloria Arroyo at House Majority Leader Rolando Andaya Jr.
Sa petisyon, nais ng mga mambabatas na maglabas ang Korte Surprema ng status quo ante order at italaga si arts, business, and science professionals o ABS Partylist Representative Eugene De Vera bilang minority leader.
Si De Vera ang tanging mambabatas sa dating minority bloc ni Suarez na hindi bumoto pabor kay Arroyo Bilang House Speaker.
Nais rin ng mga mambabatas na mag-isyu ang korte ng TRO upang pigilan si Suarez sa pagganap ng mga trabaho at responsibilidad ng isang minority leader.
Samantala, pinauubaya naman ni Suarez sa kanyang mga abogado ang pagsagot sa nasabing petisyon.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: Kamara, Korte Suprema, minority leadership