Isyu ng korapsyon at kawalan ng kakayahan, tinalakay sa pagharap ni DOH Sec. Paulyn Ubial sa CA

by Radyo La Verdad | October 4, 2017 (Wednesday) | 4106

Muling dumipensa si Department of Health Secretary Pauly Ubial laban sa mga isyung binabato sa kaniya sa muli niyang pagharap sa Commission on Appointments kahapon.

Una na rito si Kabayan Partylist Representative Harry Roque na nagpaparatang sa kanya ng korapsyon at pagiging incompetent.

Isa sa puna ni Roque ay ang maling pananaw ng kalihim tungkol sa zika virus na binigyang linaw naman ng kalihim sa pagdinig.

Hamon naman ni Secretary Ubial kay Roque, magsampa na lamang ng reklamo sa Ombudsman o sa Office of the President kung mayroong matibay na ebidensya laban sa kanya.

Inusisa naman ni Sen. Tito Sotto ang umano’y magarbong biyahe sa ibang bansa ni Secretary Ubial na umabot na sa anim sa loob lamang ng dalawa at kalahating buwan.

Depensa naman ni Ubial, ilan sa mga ito ay mismong utos ni Pangulong Duterte. Kalahati din lamang aniya dito ay gastos mula sa pamahalaan dahil ang iba ay sinagot na umano ng international agencies.

Ngunit may pangamba ang senador sa posibleng interes ng mga nagpopondong non-government organizations sa biyahe ng DOH chief.

Dapat rin aniyang idetalye at maglabas ng mga dokumento si Ubial na magpapakita na opisyal na lakad ang mga pinupuntahan niya sa ibang bansa.

Aminado naman ang kalihim na nakakasama niya sa ilang biyahe ang kaniyang 22-yr old na anak na kinuha niya bilang consultant ng DOH ngunit siya mismo ang gumagastos nito.

Posibleng sa susunod na linggo ay dedesisyunan na  ng CA ang magiging kapalaran ng appointment ni Secretary Ubial.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,