Issue sa South China Sea, kasama sa Chairman’s statement ng ASEAN Summit 2017

by Radyo La Verdad | November 17, 2017 (Friday) | 2585

Gaya ng mga naunang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte, nabanggit sa mga huling pahina ng Chairman’s statement ang usapin tungkol sa South China Sea.

Bilang chair ng ASEAN Summit ngayong taon, ang Pangulo ang nanguna sa pagbalangkas nito na sinang-ayunan naman ng mga miyembro ng regional block.

Binigyang-diin dito ang tungkol sa pagbalangkas ng code of conduct o COC sa pagitan ng ASEAN countries at China na siyang magiging paraan naman upang magkaroon ng kapayapaan o maalis ang tensyon sa South China Sea.

Pero ayon kay UP Professor at Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Atty. Jay Batongbacal, malaki ang kaibahan ng Chairman’s statement ngayon kumpara sa mga nakaraang taon. Nagtagumpay aniya ang China sa gusto nitong mangyari sa South China Sea.

Ayon naman kay UP Political Science Professor Clarita Carlos, naging praktikal lamang ang gobyerno ng Pilipinas sa istratehiya nito sa isyu sa lugar.

Mas mabuti na aniya ang ganitong paraan kaysa naman sa walang mapala. Pero maganda lang aniya ang code of conduct sa papel subalit mahirap itong ipatupad.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,