Isolation area sa loob ng mga eroplano, hindi na requirement ng IATF

by Erika Endraca | November 21, 2020 (Saturday) | 1821

METRO MANILA – Tinanggal na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang requirement na dapat maglaan ng isolation area sa loob ng mga eroplano, para sa mga pinaghihinalaang may sakit na mga pasaherong bumibyahe sa loob lamang ng bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dati itong ipinatutupad sa mga air carriers ng bansa, ngunit ngayong mas naiintindihan na ang paraan ng pagkalat ng COVID-19 ay hindi na ito kailangan.

Dagdag pa ng tagapagsalita, mas maayos na ang mga health protocols na ipinatutupad mula sa pagsakay ng mga pasahero hanggang sa pagbaba nila. Gumagamit na rin ng High Efficiency Particulate Air (HEPA) filters sa mga eroplano at kadalasan ay nasa 1.5 oras lamang ang itinatagal ng biyahe nito.

Ayon naman sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang pagtanggal ng requirement na ito ay hindi sasalungat sa mga guidelines at protocols na ipinatutupad ng World Health Organization (WHO) at International Civil Aviation Organization (ICAO).

Samantala, ikinatuwa naman ng Malacañang ang naging resulta ng Social Weather Stations (SWS) National Mobile Phone Survey na isinagawa noong Septyembre 17-20, 2020, na kung saan nagpakita na 66% ng mga Pilipino ay handang tumanggap ng bakuna sa COVID-19.

Ito umano’y nagpapakita na nagtitiwala ang taong-bayan sa  gobyerno at umaasa ang palasyo na tataas pa ang bilang ng mga gustong magpabakuna, lalo na’t nais ni Pangulong RodridDuterte na mapabakunahan ang lahat ng Pilipino lalo na ang mga mahihirap.

(Raymund David | La Verdad Correspondent)

Tags: