Isnilon Hapilon at Omar Maute, kumpirmadong nasawi sa operasyon ng militar sa Marawi City

by Radyo La Verdad | October 16, 2017 (Monday) | 2001

Matapos mapaso ang October 15, target ng militar upang tapusin ang gulo sa Marawi, isang operasyon ang inilunsad kaninang madaling araw. Sa pagkakataong ito, pito ang napatay ng tropa ng pamahalaan kabilang si Isnilon Hapilon na itinuturing na emir ng ISIS sa Southeast Asia at si Omar Maute na isa sa mga lider ng Maute terrorist group.

Kabilang ang dalawa sa mga nanguna sa paglusob sa Marawi City noong Mayo. Isasailalim sa DNA test ang katawan ng mga napatay na terorista. May limang milyong pisong patong sa ulo si Omar habang sampung milyong piso at limang milyong dolyar naman kay Hapilon.

Samantala, una nang inanunsyo ng militar na napatay na ang kapatid ni Omar na si Abdullah. Naniniwala ang kalihim na lubhang napilayan ang ISIS sa Southeast Asia dahil sa pagkamatay ni Hapilon. Subalit hindi pa tuluyang natatapos ang krisis sa Marawi dahil may mga kasamahan pa si Hapilon at Omar na patuloy na tinutunton ng tropa ng pamahalaan.

Nasa 2 ektarya na lamang ang lugar na ginagalawan ng mga terorista sa syudad, kasabay ng pagkakapatay sa 2 terrorist leader, habang 17 bihag naman ang nailigtas ng mga sundalo.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, iaanunsyo lamang ang pagtatapos ng gyera kung tiyak na wala nang natitirang terorista at nalinis na ang mga gusali sa mga iniwang improvised explosive device ng kalaban.

Aniya, kapag natapos na ang bakbakan, isusunod naman ang pagpapaigting sa rehabilitasyon sa Marawi.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,