Isang tulay sa Calumpit Bulacan, posibleng mag-collapse kung hindi maayos ng lokal na pamahalaan

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 7827

Matagal nang panawagan ng mga residente sa Barangay Calumpang, Calumpit Bulacan ang pagkasira ng tulay sa lugar.

Dalawang taon na nila itong ipinapakiusap sa lokal na pamahalaan na ipaayos dahil sa pangambang bumagsak ito anomang oras. Subalit hanggang ngayon, wala pa ring ginagawang aksyon ang provincial government at engineering office sa hinaing ng mga residente.

Nagbitak-bitak, natitibag at nabubulok na rin ang mga bakal na sumusuporta sa tulay. Madalas ay umuuga na rin ito sa tuwing may dumadaan na malalaking sasakyan.

Dahil dito, naglagay narin ng vertical clearance ang mga opisyal ng barangay upang hindi na rin madaanan nang mga malalaking sasakyan. Natatakot na rin na dumaan sa tulay ang mga motorista.

Pakiusap naman ni Kapitan Catalino Claudio ng Barangay Calumpang, na tuluyan na sana itong maaksyunan.

 

( Nestor Torres / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,