Isang resort sa Boracay na lumabag sa environmental law, boluntaryong sinira ang illegal structures

by Admin | February 26, 2018 (Monday) | 3347

Sinimulan nang ipatibag ng isang resort sa Sitio Diniwid, Barangay Balabag  ang viewing deck na nasa ibabaw ng rock formation.

Nagkusa na ang may-ari nito na alisin ang dinarayong lugar matapos sabihin ng Deparment of Envrioment and Natural Resources (DENR) na labag ito sa environmental regulations.

“Self-demolish ito na nagpapatunay na nakikipag cooperate kami, seryoso kami, naghahabol po tayo ng oras baka maisip ni President na ipasara ang Boracay,” sabi ni Crisostomo Aquino, isang resort owner.

Samantala, pinabulaanan naman nito na illegal silang nagpatayo ng establisimento sa lugar.

Batay sa kanilang dokumento, December 2009 inaprobahan ng DENR ang kanilang Forest Land Agreement for Tourism Purposes (FLAgT) na mag-eexpire sa taong 2034.

Binigyang diin din nito na nagbabayad sila ng tamang buwis at nagko-comply ng mga requirements.

“Sana makarating kay Presidente na talagang sobra ang pulitika, masakit talagang pinaghirapan ko to, masakit na gibain ka na legal yung ano mo,” dagdag pa ni Aquino.

Sa ilalim ng FLagT, maaring pagtayuan ng tourism sites ang mga protected area at wetland nguni’t hindi dapat sisirain ang mga likas na yaman. Dapat kontrolado din at transparent sa pamahalaan ang pag-operate sa lugar sa loob ng 25 years na kontrata.

Tiniyak naman ng DENR na tuloy-tuloy ang gagawin nilang pagsasaayos sa mga resort at iba pang istraktura sa isla upang mapangalagaan ang natural resources dito.

“This is not the only establishment, there are several, we were even thinking of doing it simultaneously but we’re lack of personnel, we’re doing everything to those also who are violated,” sabi ni DENR Undersecretary Ernesto Adobo.

 

(Lalaine Moreno\UNTV Correspondent)

Tags: , ,