Isang rebelde, patay sa sagupaan ng government troops at NPA sa Surigao del Norte matapos bawiin ng pamahalaan ang unilateral ceasefire

by Radyo La Verdad | August 1, 2016 (Monday) | 7121

ROSALIE_AFP
Matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unilateral ceasefire ng pamahalaan laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front noong Sabado, nagka-engkuwentro ang government troopers at NPA sa Malimono, Surigao del Norte kaninang umaga.

Isang rebeldeng npa ang nasawi sa engkwentro na umanoy nagsasagawa ng extortion activities o pangingikil sa mga residente sa Barangay San Isidro at Barangay Binucayan.

Samantala, iginiit ng Armed Forces of the Philippines na hindi sila balakid sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at mga makakaliwang grupo.

Binigyang-diin din ng AFP na suportado ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang isinusulong na peace talks ng pamahalaan sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front.

Kaya naman kahit dismayado dahil sa hindi pagsunod ng npa sa ideneklarang unilateral ceasfire ng pangulo ay suportado pa rin ng mga sundalo ang pagpapatuloy ng pormal na usapang pangkapayapaan ng government at CPP-NPA-NDFP Peace Negotiating Panel sa Oslo, Norway sa Agosto a-bente hanggang bente-syete.

Dagdag pa ni Brigadier General Padilla, kung mayroon mang higit na nagnanais ng kapayapaan sa bansa, ito ay ang mga tauhan ng militar na higit na apat na dekada nang nakikibaka sa mga rebeldeng grupo.

Samantala, nagsumite na ng komento at sentimiyento ang AFP sa government peace panel kaugnay ng mga hinihiiling ng NPA bago umano magdeklara ng tigil putukan sa Agosto a-bente, ang simula ng formal peace talks.

Katulad ng pagpull-out ng mga tauhan ng militar at pulisya sa mga lungsod at kanayunan na ayon kay BGen. Padilla ay imposibleng magawa dahil ito ay responsibilidad nila bilang government security forces ng bansa.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,